MAYNILA, Pilipinas — Hindi maipapa-deport sa alinmang bansa ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy at kinakailangang pagdusahan niya ang kanyang sentensiya dito sa Pilipinas, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur “Jonvic” Remulla.
Ayon sa opisyal, kapwa tumanggi ang pamahalaan ng Russia at Estados Unidos na tanggapin ang social media personality. Si Zdorovetskiy ay isang green card holder ng Amerika ngunit hindi rin ito tinanggap pabalik sa U.S.
“Ang problema kasi namin, ang Russia, hindi siya tinatanggap, ang US naman, green card holder siya, hindi rin siya tinatanggap, so hindi namin alam kung saan siya papauwiin eh,” ani Remulla sa isang pahayag.
Ibinunyag din ni Remulla na nakatanggap siya ng sulat mula kay Zdorovetskiy na humihiling na isantabi ang mga kaso dahil sa sinasabing problema nito sa kalusugang pangkaisipan.
Gayunpaman, sinabi ng kalihim na tuloy ang paglilitis para sa tatlong kaso ng unjust vexation na kinakaharap ng vlogger, at kung mapapatunayang guilty, maaaring makulong siya nang mula tatlong buwan hanggang isang taon.
“We will service his sentence, sinigurado ko po ‘yun,” giit ni Remulla.
Naaresto si Zdorovetskiy noong Abril 3 sa isang hotel sa Pasay City matapos siyang ideklarang “undesirable alien” ng Bureau of Immigration.
Naging laman ng balita ang Russian vlogger matapos kumalat ang mga video ng kanyang pangha-harass sa isang security guard at isang matandang babae sa Bonifacio Global City. Nabatid ding nagnakaw siya ng ilang gamit tulad ng electric fan mula sa isang kainan at isang traysikel, na kanyang iniwan sa lansangan.
Bukod pa rito, inakusahan din si Zdorovetskiy ng pagpapakalat ng maling review laban sa ilang negosyo sa bansa at ng mapanganib na pagtalon sa isang umaandar na pampasaherong jeepney.