March 07, 2026

March 07, 2026

Paniningil ng Toll sa NLEX-Marilao Northbound, Ipinasuspinde ng DOTr Matapos ang Aksidente

Matapos ang muling pagbabangga ng isang trak sa Marilao Interchange Bridge na nagresulta sa isang nakamamatay na aksidente, ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) sa North Luzon Expressway (NLEX) Corp. na itigil ang paniningil ng toll sa northbound segment ng Marilao.

Sa isang kautusan at notice to explain na ipinadala sa mga opisyal ng NLEX Corp., inilahad ni Transportation Secretary Vince Dizon ang matinding pagkadismaya sa serye ng insidente kung saan mga overheight na sasakyan ang nakakasalpok sa mga kritikal na bahagi ng imprastruktura sa expressway.

Ayon kay Dizon, “profound concern and disappointment over the recurring incidents of overheight vehicles striking critical infrastructure” (malalim na pagkabahala at pagkadismaya sa patuloy na aksidente ng mga sasakyang labis ang taas na sumasalpok sa mahahalagang estruktura). Dagdag pa niya, ang pinakahuling aksidente ay isang “unacceptable failure of operational diligence” (hindi katanggap-tanggap na kapabayaan sa operasyon) sa panig ng kumpanya.

Binigyang-diin ng DOTr na dapat ay noon pa man ay may mga hakbangin na ang NLEX tulad ng real-time height monitoring systems, mahigpit na pag-screen sa mga sasakyang pumapasok, at malinaw na babala o harang para sa overheight vehicles.

“Your continued failure… demonstrates an alarming lack of proactive risk management and a grave breach of duty to the public,” (Ang inyong patuloy na pagkukulang ay nagpapakita ng nakakabahalang kakulangan sa maagap na pag-iwas sa peligro at seryosong paglabag sa tungkulin sa publiko) dagdag pa ng liham.

Bilang tugon, ipinag-utos ng DOTr na libre ang toll sa bahagi ng Marilao northbound kung mananatili ang matinding trapiko, at habang hindi pa naibabalik sa maayos na kalagayan at ligtas na kondisyon ang tulay ayon sa pagsusuri ng mga awtoridad.

Hiniling din ng DOTr na magpaliwanag ang NLEX Corp. sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi ito dapat patawan ng mga parusang administratibo tulad ng posibleng suspensyon ng toll collection o pagbabago ng prangkisa.

Bukod dito, inatasan ang kumpanya na agad na magbigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima—kabilang na ang pinansyal, medikal, at lohistikal na suporta.

Sa loob ng 10 araw, kailangang magsumite ang NLEX ng “concrete and verifiable safety improvement plan” (konkreto at mapatutunayang plano para sa pagpapahusay ng kaligtasan) na sasaklaw sa buong kahabaan ng NLEX.

Nagbabala ang DOTr na ang hindi pagsunod sa mga utos ay maaaring magbunga ng administrative penalties, suspensyon ng toll collection, at pagbawi o pagbabago ng prangkisa ng NLEX.

Batay sa imbestigasyon ng Marilao police, galing sa Meycauayan ang trailer truck at pabalik ng Malabon nang tumama ito sa tulay sa northbound lane ng expressway sa Marilao.